“ Oras “
. Maaaring nanggaling ito sa salitang Kastila na “oro” na ang ibig sabihin ay ginto. Kaya naman may kasabihan na ang oras ay ginto- mahalaga. Ang oras ay salitang Filipino na ginagamit natin na tumutukoy sa kung gaano kahaba ang lumipas o mga bagay na nagaganap at magaganap sa maikling panahon. Sa salitang Ingles na “time” o “hour” depende sa gamit. Ang istandard na “unit of measurement” na ginagamit dito ay segundo (seconds). Sa unang tingin, marahil ay aakalain mo na puwede silang pagpalitin ng salitang panahon, ngunit ang dalawang ito ay magkaiba sa dalawang aspeto. Una ay ang sakop ng katagalan o “duration”. Sa oras, o “hour”, Maaaring gamitin ito upang tukuyin ang partikular na panahon lamang. Ang panahon ay mas malawakang sakop at masasabing binubuo ito ng maramin at patuloy na dumadaloy na oras na puwedeng abutin ng araw, linggo, buwan, taon, dekada, at siglo o higit pa. Maaari ding gamitin ito sa panahon ng klima o sa Ingles ay “season”, halimbawa: panahon ng tag-ulan (alam nating Hunyo hanggang Agosto o higit pa ang sakop nito). Kung ganoon, masasabi natin na ang yunit ng panahon ay ang oras. Ang ikalawang aspeto naman, nagkakaiba sila sa gamit nito sa pangungusap. Halimbawa: Oras mo na (tunog negatibo) ; panahon mo na (tunog positibo); panahon ng mga Kastila (hindi maaaring gamitin ang oras sapagkat ang pangyayaring ito ay matagal at tumatak na sa ksaysayan maging sa kultura ng ating bansa. Pareho rin ang gamit sa Panahon ng Hapon, Panahon ng Martial law, etc.)
Pero bakit ko napili ang salitang oras? Bakit natatangi sa akin ito? Dahil nga maituturing itong maliliit na yunit na bumubuo ng panahon. Para sa akin, isa sa malaking misteryo ng buhay ang oras tulad ng ating pagkamayroon (existence o being). Alam nating lahat na kapag ang oras ay nagdaan, hindi na ito muling maibabalik pa. Kaya naman paborito itong talakayin hindi lamang ng mga siyentipiko, pati na rin ng mga makata, kompositor, pilosopo, at maging ng ordinaryong tao. Nagkakaiba man ng larangan, nagkakaisa naman ang adhikain, ang manipulahin ang oras o ang panahon. Ayon sa sikat na physicist at tumanggap ng Nobel prize para sa physics na si Albert Einstein, maaari tayong makapaglakbay sa hinaharap ngunit, hindi sa nakaraan, kung makakagawa tayo ng sasakyang kasing bilis ng bilis ng liwanag. Ngunit makagawa naman tayo nito, kailangan ding isaalang-alang ang katotohanan na hindi kayang tumagal ng katawan ng tao sa ganyang bilis. Ang konsepto naman ng manunulat ng pelikulang “somewhere in time” na si Richard Matheson ay maaari naman tayong makapaglakbay sa nakaraan sa pamamagitan ng hipnotismo na ginawa ni Christopher Reeves. Ngunit ang lahat ng ito ay puro teorya na parang bangkang naliligaw sa gitna ng karagatan ng kaalaman at walang lupang matanaw. Ayon naman sa ilang siyentipiko, wala naman talagang oras o panahon. Ang mga bagay daw ay nagdadaan at lumilipas dahil sa galaw (motion). Kaya naman ang tanggap natin magpasahanggang ngayon ay ang oras, pag lumipas, hindi na maaaring maibalik tulad sa awitin ng “Allan Parsons project”, na ang oras ay dumadaloy parang ilog papuntang dagat hanggang sa ito ay maglaho magpakailanman (isinalin mula sa isang linya ng kanilang awiting “time”).
Sa panahon natin ngayon, ano ba ang gamit ng oras? Para sa akin, ang oras ay nagbibigay ng kaayusan. Matibay na ebidensya diyan ang “schedule” para alam natin kung kailan tayo magsisimula at magtatapos- kung kailan natin gagawin ang mga bagay-bagay. Dagdag pa diyan ang “deadline”. Kailangan nating matapos ang gawain sa binigay na palugit upang sa gayon tayo ay makausad. Kung minsan naman, ang oras o panahon mismo ang naglalantad o sumasagot sa ating mga katanungan. Halimbawa ay paghihintay ng resulta, pag-unawa sa aralin, at tagumpay na nagpapaalala sa atin na ang Roma ay hindi itinatag ng isang gabi lamang.
Ang oras ay nagpapaalala sa atin na walang anumang bagay sa mundo ang permanente. Lahat ay pasulong na nangangahulugang progreso. Oras, simpleng salita na may napakakomplikadong pilosopiyang nakapaloob dito
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
Oras ang ang ginamit mo pero "Kagalingan sa Retorika ni Lawrence" ang nasa titulo ng blog, ano ba talaga? 85%
ReplyDelete